Isang malakas na sigaw ang gumising sa king pagka himbing, na sinundan ng malakas na alingawngaw ng tila mga kaldero o pinggang nag bagsakan. Ewan ko hindi ako sigurado. Naalimpungatan ako.
Madilim pa ng magising ako. Agad kong kinapa ang gilidan ng aking unan para hanapin ang aking telepono. Wala namang bagong mensahe, wala ring tumawag. Kinse minutos bago mag alas-syete ng gabi. Madilim pa nga. Madilim na.
Nakaidlip ako. Linggo nga pala ngayon. Marahil nakatulog ako matapos Plantyahin at tiklupin ang gabundok na damit naming maganak. Eto ang tipikal na linggo. Ang araw bago pumasok. Araw na dapat pahinga ay palagi pa ding abala.
Nakagawian ko na din naman na tulungan si Nanay sa mga gawaing bahay. Sya ang maglalaba, ako ang magsasampay. Kadalasan ako na din ang naglalaba. Magluto ng hapunan, mamalengke. Maglinis ng bahay. Maningil ng renta ng mga tenants. Ilan yan sa mga responsibilidad na itinutulong ko kay Nanay.
Housewife ang aking inay. Ang tunay nyang pangalan, Rosalina. isinunod sa kanyang lola sa ama. Kilala rin sya ng mga kapitbahay at tenants namin bilang Aling Rosing. Sa kanyang mga kumare sya si Rosie. Masipag si nanay. Kahit isa lamang syang taong bahay, magaling syang dumiskarte, maraming raket. Ginagampanan ang kanyang pagiging negosyante kasabay ng tambak na gawaing bahay.
Masipag si nanay. Masipag sya hanggang alas-tres ng hapon.
Dahil pag patak ng alas-tres, kasabay ng the 3 o-clock habit prayer ay sya rin naman pag sundo sa kanya ng kanyang mga amiga. At dun sila tutungo sa bahay ni Maritess. ang asawa ng hapon. Ang dating japayuki na nakapagpundar ng bahay at ng tindahan ng LPG. Dun sila kasama ng iba pa nilang amiga. Dun sila mag susugal. Hanggang kumagat ang dilim. Hanggang sunduin sila ng kani-kaniyang pamilya. Sila ang mga mag-aamiga. mga kilalang sugalera. Mga tambay ng simbahan twing linggo at suki ng sugalan sa buong linggo. Mga relihiyosang tsismosa.
pagkabangon ay agad kong sinindihan ang ilaw. Ang mga plantsahin ayun, gabundok pa din. Malamang ay pagpupuyatan ko nanamang tapusin ito. Di ko alam bakit nagawa kong tulugan ang ganito kadaming trabaho. Marahil sa sobrang pagod o dahil sa sobrang init. Ang naaalala ko kasi, katirikan na ng araw ng makauwi ako galing sa pagsisimba. Hindi pa ko nakapag tanghalian. Tapos nun, hindi ko na alam.
Naaalala ko noon. Twing linggo, si Lola ang kasa-kasama kong magsimba. Aktibo din kasi si lola noon sa simbahan. Pagkatapos ng misa at ng novena hindi pa kagad kami uuwi. Aakayin nya pa ko papunta doon sa meeting kasama sila father. Para bang weekly reflection o sharing. Nakakabagot. Nakakantok kung minsan maliban na lang kung may magkkwento ng tungkol sa asawa nilang may kabit, anak na naging adik o di kaya naman anak na dalagang nabuntis. Dun lang nagiging buhay ang kwentuhan. Pero kadalasan boring. Kaya naman sinusuhulan ako ni lola ng mamon at yakult na bibilhin sa gilid ng simbahan bago magtungo sa kanilang pulong.
Noon yon, bago sya kunin sa min.
Pagkababa ko'y nadiskubre ko na ang pinanggalingan ng ingay. Si nanay pala ang nakabagsak.
"Hoy Ana anjan ka naman pala! Linisin mo nga to. Punyeta talaga yang mga dagang yan. Sinabi ko na kasi sa kuya mo na bumili na ng lason. Nung isang linggo ko pa binigyan ng pambili. Ang punyeta hanggang ngayon wala pa. Pinapamahayan na tayo ng mga daga. Lintek!"
"Nay ano bang lulutuin mo, ako na lang po ang gagawa."
"Hayan, initin mo yang papaitan. yang magaling mong ama gabi na nga lagi kung umuwi puro alak pa ang inuuna. punyeta talaga. Ako pa ang uutusan!"
Agad kong inilabas kay Tatay ang pulutan nila. Mga kasamahan nya pala sa trabaho ang kasama nya at lahat sila ay lasing na. Kahit si Tatay na halos buong buhay nang umiinom, ay nakakapagtakang tinatablan pa din ng espirito ng alak.
Si Ronaldo Jr. ang nagiisang anak ng mag asawang Manalastas. Tubong Catanduanes, Bicol. Sila ay nagtungo ng Maynila nang sya ay tumuntong na ng High skul. Dahil nag iisang anak, madalas ay sunod sa layaw ang binata. Di rin nagtagal ng sya ay mabarkada. Natuto magbisyo at magbulakbol sa eskwela. Sa unang taon ng Kolehiyo, umuwi na lang sya isang araw na kasama ang kanyang nobya, at mga magulang nito. Buntis si babae at kailangan nya itong panagutan. Ang kwento ng Lola, dahil daw sa sama ng loob sa kanyang Junior kaya namatay ang Lolo.
Kahit may pamilya na, patuloy pa din daw nagbuhay binata ang aking tatay. Kaya naman kahit nagiging pabigat na ay di pa rin sya matiis ng lola. Doon pa rin sa kanyang mumunting bahay tumira, kahati pati sa kakarampot na kinikita ng matanda.
Masyadong magiliw at mapagpasensya ang aking Lola. Naaalala ko noon, sa tuwing uuwi ng lango sa alak ang tatay, madalas syang pagsaraduhan ng kwarto ni nanay. Ang sabi nya'y ayaw nya daw mangamoy alak ang kanyang bagong palit na kobre kama. Sa mga ganitong pagkakataon, si Lola ang matiyagang nag aalaga kay tatay. Gigising ito sa kalaliman ng gabi upang punasan sya at ipagtimpla ng kape o pakainin ng sopas hanggang sa mahimasmasan.
Kadalasan pa ay dun na ito sa kwarto nya papatulugin. Ang kawawang matanda naman ang magdamag na magpapaypay o kaya'y magpupunas sa lasing na pobre.
Ngayon, sa tuwing malalasing si tatay, kadalasan ay sa garahe na sya aabutan ng pagputok ng araw. Pinagbubuksan lang sya ng Nanay ng pintuan kapag gabi ng akinse o kaya ay a-trenta. Kapag ganun, kahit anong oras umuwi si Tatay hinding hindi makakatulog ang nanay.
Ang malas lang ni kuya. Nung sya na ang natutong magpaka lango sa alak at umuwi ng disoras ng gabi, wala ng magaalaga sa kanya. Dahil kinuha na sa min si Lola. Kaya ayun ang loko, kesa daw umuwi sya ng lasing eh kung sa kani kaninong bahay na lang nagpapalipas ng gabi.
Si kuya ang panganay namin. Pero hindi sya ang bunga ng pagkakadisgrasya ni tatay kay nanay. Nang magpakasal kasi sina Nay at tatay, nagbago ang isip ni pamilya ni nanay. Gusto nila na tapusin muna ni nanay ang kolehiyo. Pero dahil ayaw nila ng karagdagang kahihiyan kapag pumasok si nanay ng malaki ang tiyan. Pinalaglag nila ang panganay namin. Hindi rin naman nakatapos si nanay. Kusa na rin syang tumigil ng mabuntis ulit sya sa kanyang ikalawang taon sa kolehiyo.
"pssst. Oi Ana, si nanay anjan ba?"
Lumingon ako at nakita ko ang aking magaling na kapatid. Sa wakas matapos ang 3 araw na di paguwi, naiisipan nya na din magpakita.
"Buti naman at naisipan mo pang umuwi??! Punyeta kang bata ka! Saan ka nanaman ba nag susuot? Yung perang pinampapabili ko ng lason sa daga asan na?! Napurnada mo na naman ano?!!! sinasabi ko na nga ba! Punyeta, manang mana ka talaga sa ama mo! wala na kayong ginawang tama! Mga walang silbi!!"
agad agad nagmadali paakyat ang kuya. Mabilis na kumaripas na tamang tama lang para hindi sya tamaan ng lumilipad na bakya ni nanay paakyat sa kanyang kwarto para magkulong.
Mabait ang kuya ko. Dahil na rin siguro dadalawa lang kami hindi na rin kami masyadong nag aaway. Mabait sya. Maliban lang nung panahong isinanla nya ang relo kong baby G na regalo ng ninang ko sa kin. Maliban na lang din nung nakita ko syang humihithit ng damo sa likod ng plaza kasama ng mga tambay sa kabilang baranggay. Mabait naman sya at malambing, maliban na lang din nung panahong tinutukan nya ko ng kitchen knife at binantaang papatayin kapag sinumbong kong may nakita akong parang tawas na nakatago sa lumang lalagyan ng hairwax sa may altar sa kwarto nya. Malambing syang kuya maliban na lang noong nahuli ko syang nakasilip sa may kisame nung isang hapon na naliligo ako. Mabait ang kuya ko.
Masaya ang aming pamilya. May mga panahon nga lang na namimiss ko ang lola ko. Sya lang kasi ang kakampi ko noon. Mag tatatlong buwan na din na mamatay si Lola. Biyernes noon pagkauwi ko galing sa eskwela. Maraming tao sa bahay. Hindi dahil sa tipikal na inuman o sugalan. Natagpuan daw si lola na nakalupaypay. Naglalaway. Wala nang buhay.
Bago pa man yon, magdadalawang taon na din naman ng una kaming iwan ng Lola. Kasama namin pero wala na talaga sya. Kinuha sya ng sakit na Alzheimer's. Nagmistula na lang syang isang katawan na walang kaluluwa. Hindi na nakakakilala. Mainitin ang ulo. Isip bata.
May mga panahon na normal sya. Walang sumpong. Matino ang pagiisip. Pero habang tumatagal palala ng palala. Araw lang ang binilang ng nagmistula syang sanggol. Hindi na nya kayang alagaan ang sarili nya.
Sa kasamaang palad. Wala sa pamilya ang napagpasahan ni Lola ng kanyang mahabang pasensya. Noong una, kahit papano ay naaalalayan pa sya. Si Tatay ang naghahatid sa kanya sa kwarto. Gagamitin nya na din ang pagkakataon na yon para hanapin ang titulo ng bahay o kung anu ano pa mang mga dokumento sa mga gamit ng lola. Kung minsan si Kuya din ang naghahatid ng pagkain ni Lola sa kwarto. Lingid sa kaalaman ng matanda, isa-isa na rin nawawala ang mga pinakaingat-ingatang iilang gamit.
Wala namang masyadong yaman ang matanda. Walang ipapamana kundi ang mismong lupang tinitirhan namin. Walang mga alahas, walang ipon o kung ano pa man. Siguro marahil na din sa buong buhay nyang pagkayod na naubos lang sa pagsuporta sa pamilya ng kanyang Unico Hijo.
Ito na din ang naging dahilan kung bakit sa paningin ng aking Nanay, isa na lamang syang pabigat. Una inilipat nya ang matanda sa isang maliit na kwarto sa may kusina. Ang dating maid's quarters na ginawa na lamang tambakan ng mga lumang gamit. Inalis ang ilang tambak, winalisan ng konti, nilatagan ng banig at naging bagong himlayan na ng matanda. Mas mabuti na daw yun para malapit sa kusina o sa banyo at hindi na mahirapan kung dudumi ang matanda o kapag oras ng pagkain nya.
Madalas ko syang mapanaginipan. Pero hindi ko na ito maalala. Madalas ay magigising na lang ako na walang kahit anong matandaan tungkol sa nangyari bago natulog. Siguro kagustuhan ko na din ito. Kagustuhan kong burahin ang mga mapapait na ala-ala. Yung mga hindi maganda. Yung mga masakit at pangit na alaala.
Yung mga ala-ala ng pag maltrato nila kay lola.Yung pag hampas sa kanya nang minsan na-ihi sya sa kanyang salawal. Yung pagsipa sa kanya ng matabig nya ang kanyang kainan. Yung panahon na sa sobrang pangungulit nya para humingi ng inumin, binigyan sya ng isang basong bagong kulong tubig at sa sobrang uhaw ay halos magpaltos ang bunganga at dila ng aking Lola. Yung pagpaso sa kanya ng sigarilyo ng ayaw nyang bumangon para mapaliguan. Nung kalbuhin sya dahil sya daw ang nagkakalat ng galis at kung ano anong pang sakit sa balat. Yung ala-ala ng makita ko syang nakapulupot sa isang sulok, tahimik na umiiyak. Yung makita ko kung paano nya kainin ang pasalubong kong mamon dahil hindi sya pinakain magdamag. Yung makita ko syang mahimbing na natutulog sa kanyang banig na natuyuan na din ng sarili nyang ihi at dumi.
Siguro nga mas pinili kong makalimot.
Kinalimutan ko na din na ako ang madalas utusan ni nanay na bumili ng lason sa daga. Twing Linggo matapos magsimba.
Kinalimutan ko na din ang itsura ng bote ng lason na wala ng laman sa tabi ng kainan ni lola.
Sa di ko maipaliwanag na dahilan, hindi ako malungkot sa sinapit nya. Sa totoo lang. Masaya ako.
Malaya ka na Lola. Pinalaya na kita..
http://buhaykalsada.multiply.com |
Sobrang unforgiveable sa akin ang cruelty against the elders... Sobrang wala akong masabi sa mga pagmamalupit na nabasa ko... Life is a cycle, sabi nga the love you give is the love you receive. In this case, sobrang walang love dun sa Lola... =(
ReplyDelete